Posts Tagged ‘pamilya’
Father’s Day ngayon, nabati n’yo ba mga tatay n’yo? Kung hindi pa, batiin n’yo na sa kahit anong paraan… itext, email, tumawag o i-Plurk nyo sila (kung tech-savvy sila ha!) para mapadama n’yo kung ga’no sila kahalaga kahit man lang sa araw nila.
Pero bakit nga ba may Father’s Day? Ang alam ko kasi sobrang angkop ito sa mga tatay na sobrang nagsusumikap at naging uliran sa bawat aspeto ng buhay nila — mapa-pamilya, trabaho man, kapitbahay o kahit sa pag-praktis ng pananampalataya nila. Pero pa’no yung mga di naging maayos sa buhay nila? Yung mga nanloko, nakasakit sa kapwa nila, nandaya o di naging uliran sa kanilang mga mahal sa buhay? Tama rin kaya silang batiin ng Happy Father’s Day?
Mahirap mang isipin pero sa wari ko lang, minsan mapapaisip ka kung dapat ka bang mapabilang sa mga tumatanggap ng greeting mula sa kaibigan, kamag-anak, ka-opisina, kabarkada, kapamilya o kapuso, lalo pa’t kung alam mong sa lumipas na taon ay may mga pagkakamaling nagagawa tayo at umuukit ito sa karamdaman ng marami sa atin. Gano’n ang pakiramdam ko minsan, lalo pa’t nitong nakaraang taon ay sobrang maraming pagsubok at pagkakamali ang napagdaanan ko. At ngayong Father’s Day, napaisip ako… karapat-dapat ba talaga akong mabati?
Pero sa kabila no’n, malaking pasasalamat at kahit papa’no, andyan pa rin ang aking pamilya, kahit na isa sila sa mga nasaktan sa mga ilang bagay-bagay na nagawang pagkakamali ko sa buhay. Bilang haligi ng sarili kong tahanan, sila pa rin ang nagbibigay ng lakas at inspirasyon sa ‘kin upang maging mabuting ama sa araw-araw na ibinibigay ni Lord. Oo, maraming beses na akong nagkakamali, nakakasakit at nadadapa. Pero di ako tumitigil na magsumikap para mabago ang sarili ko, upang magingĀ isang karapat-dapat na kaibigan at karamay na mamamayan, at lalo pa’t isang matuwid at ulirang ama sa aking mga anak at asawa sa aking kabiyak.
Ngayong Father’s Day, sa wari ko’y di ako dapat nabibilang na batiin dahil sa mga dahilang ako na lang ang nakakaalam. Pero dahil sa pagmamahal ng aking pamilya at sa bawa’t pagkakataon na laging ibinibigay ni Lord sa ‘kin na mabago ang aking sarili, salamat pa rin at naging kabilang ako sa mga milyung-milyong ama, tatay, papa, daddies, ‘tay at kung ano pang tawag sa ‘min, na nabati ngayong araw na ‘to. Siguro, sa dami ng mga paglilihis, siguro may matuwid pa rin akong nadaanan kahit papa’no.
Para sa lahat ng mga ulirang ama na nandyan ngayon, saludo ako sa inyo! Sa ilang mga ama na nagkamali na ng minsan, mayro’n laging pagkakataon na baguhin natin ang mga sariliĀ kung mamarapatin natin. Dahil at our own right, ang pagiging uliran at modelo sa ating pamilya’t mga anak ay natututunan din.
Para sa mga kaibigan kong bloggers na tatay ring tulad ko, nawa’y maging maganda ang buhay sa bawa’t oras at pagkakataon na handog ni Lord para sa ‘tin!
Happy Father’s Day po!