Subscribe RSS

Archive for August 26th, 2010

Napupuno, Nauubos… Aug 26

Maraming pedeng pagkakahulugan ang mga salitang ito.  At sa totoo lang, marami din ang kayang maapektuhan ng mga ito, simple man silang gamitin o isipin. Heto at isa-isahin natin…

NAPUPUNO…

Ikanga kay da King FPJ, kapag napuno na ang salop, dapat nang kalusin. Pero higit pa d’yan ang mga kadahilan kung bakit tayo ay napupuno sa mga bawa’t dagok sa buhay natin. Sobrang dami ng kapalpakan, paulit-ulit na pagkakamali, katangahan, kabagalang sumunod sa mga patakaran, kulang sa katinuan, di nag-iisip at tira lang ng tira, at eto pa… kakulitan! Kung iisipin mo, maganda sana ang pagpupuno (hindi tree-planting ha!) kasi nabibigyan ng halaga ang mga taong tumatanggap nito, maging ito’y patungkol sa pagmamahal, pagtulong sa kapwa at kamag-anak, o kahit sa pag-iipon ng tubig sa balde o dram. Kaya lang, ‘kung pagpupunong taliwas sa normal na pamamalakad ang pag-uusapan, d’yan tayo mag-alala. Bakit? Dahil dito mo malalaman kung hanggang sa’n lang kakayanin ng mga taong naaapektuhan natin ang pagtitiis at pagtitiyaga nila, maging ito ma’y sa bahay, sa trabaho, mga kaibigan, kaaway o kakampi man. Nakaka-alarma pero ganito lang talaga minsan ang takbo ng buhay. Ang mga mababait, mga walang imik, risonable, at minsang inaakala mong “cool” lang sa mga kaganapan ay s’yang mas may posibilidad na sumabog na lang sa galit at inis. Pero para sa ‘kin, ang pinaka-aantabayan mo ay ang taong magmamanhid na lang sa ‘yo at di na mag-rereact pa makaraan sa sagad sa butong paulit-ulit na kamalian at kapalpakan na ginagawa sa kanya. ‘Yun ang klase ng pagpupunong di na maaaring maisaayos ng maikling panahon. At kapag nangyari ‘yun, well, si Lord na lang ang may alam kung ano ang mga susunod na kabanata. Suma-total, dalawang bagay ang naidudulot kapag napupuno ang isang tao — magsasawa na lang s’ya at magiging manhid sa mga susunod na kaganapan, o humantong sa mga di kanais-nais na katapusan. In short, patay kang bata ka!

NAUUBOS…

Maraming bagay o pangyayari ang nasasaklaw nito. Pagkain, pera, pananalita, kaibigan, sasakyan sa terminal, grocery, baterya ng cell, load, paninda, pasensiya, pang-unawa, pagmamahal… Kung tutuusin, meron pang iba. Pero sa tingin ko, ito ang kadalasan na nararanasan sa pang-araw-araw natin pamumuhay sa mundong ibabaw. Para sa ‘kin, lahat ng mga nabanggit ko ay posibleng masaid at maaaring makapagpaiba sa ating galaw at diskarte sa buhay. Kadalasan, di lang sa ating sarili ang epekto. Kaakibat ng mga nauubos na bagay-bagay ang s’yang sumisira rin sa pakikitungo natin sa ibang tao, mas lalo pa kung sila ang mga taong may malaking kaugnayan sa buhay mo. Tulad ng pasensiya at pag-unawa sa mga pagkakamali, sa umpisa’y kaya pang palagpasin pero sa katagalan, mawawala na lang s’ya ng kusa dahil di natin kayang punuin muli ang nabawas. Tulad din ng pagmamahal, na dating ubod ng usbong sa tuwa at pag-aalaga ay minsang madagok ng mga pagsubok sa buhay ay maari ding manghina at malugmok ng walang garantiyang uusbong muli. Nakakatakot isipin, pero sa buhay natin nangyayari ‘yan.  Ang tanong lang, kakayanin ba natin muling punuan ang bangang nasa napipintong pagkaubos at pagkatuyo? Dapat kayanin kahit ga’no kahirap pa ‘yan. Dahil sa nauubos na bagay o pangyayari ay walang kasiguruhan kung ito’y manunumbalik sa dating sigla at saya nito. ‘Pag ito ang nangyari, isang himala na lang ang maaari mong sanggalang para maibalik ang dati. Hirap no? Oo talagang mahirap… pero dapat kayanin ang lahat ng paraan para maibalik ang dati.

Napupuno… Nauubos… magkaiba man ang pagkahulugan pero magka-ugnay ang sinasalamin sa buhay-buhay. Andito ako ngayon. Minumuni-muni ang mga ‘yan… sana may pagkakataong pang maipuno ang nauubos na magandang simulain sa darating na mga araw. Dahil sa minsang tayo ay nagkamali, habang buhay ang ilalaan natin upang maitama at maibalik ang matiwasay at masaganang buhay na inaasam lagi para sarili at sa mga taong mahalaga sa s’yo.

Kung nais n’yo akong samahan, sige lang. Igagalak ko ang inyong pakikisama.

Category: Life Nga Naman  | 33 Comments