Archive for August, 2010
Maraming pedeng pagkakahulugan ang mga salitang ito. At sa totoo lang, marami din ang kayang maapektuhan ng mga ito, simple man silang gamitin o isipin. Heto at isa-isahin natin…
NAPUPUNO…
Ikanga kay da King FPJ, kapag napuno na ang salop, dapat nang kalusin. Pero higit pa d’yan ang mga kadahilan kung bakit tayo ay napupuno sa mga bawa’t dagok sa buhay natin. Sobrang dami ng kapalpakan, paulit-ulit na pagkakamali, katangahan, kabagalang sumunod sa mga patakaran, kulang sa katinuan, di nag-iisip at tira lang ng tira, at eto pa… kakulitan! Kung iisipin mo, maganda sana ang pagpupuno (hindi tree-planting ha!) kasi nabibigyan ng halaga ang mga taong tumatanggap nito, maging ito’y patungkol sa pagmamahal, pagtulong sa kapwa at kamag-anak, o kahit sa pag-iipon ng tubig sa balde o dram. Kaya lang, ‘kung pagpupunong taliwas sa normal na pamamalakad ang pag-uusapan, d’yan tayo mag-alala. Bakit? Dahil dito mo malalaman kung hanggang sa’n lang kakayanin ng mga taong naaapektuhan natin ang pagtitiis at pagtitiyaga nila, maging ito ma’y sa bahay, sa trabaho, mga kaibigan, kaaway o kakampi man. Nakaka-alarma pero ganito lang talaga minsan ang takbo ng buhay. Ang mga mababait, mga walang imik, risonable, at minsang inaakala mong “cool” lang sa mga kaganapan ay s’yang mas may posibilidad na sumabog na lang sa galit at inis. Pero para sa ‘kin, ang pinaka-aantabayan mo ay ang taong magmamanhid na lang sa ‘yo at di na mag-rereact pa makaraan sa sagad sa butong paulit-ulit na kamalian at kapalpakan na ginagawa sa kanya. ‘Yun ang klase ng pagpupunong di na maaaring maisaayos ng maikling panahon. At kapag nangyari ‘yun, well, si Lord na lang ang may alam kung ano ang mga susunod na kabanata. Suma-total, dalawang bagay ang naidudulot kapag napupuno ang isang tao — magsasawa na lang s’ya at magiging manhid sa mga susunod na kaganapan, o humantong sa mga di kanais-nais na katapusan. In short, patay kang bata ka!
NAUUBOS…
Maraming bagay o pangyayari ang nasasaklaw nito. Pagkain, pera, pananalita, kaibigan, sasakyan sa terminal, grocery, baterya ng cell, load, paninda, pasensiya, pang-unawa, pagmamahal… Kung tutuusin, meron pang iba. Pero sa tingin ko, ito ang kadalasan na nararanasan sa pang-araw-araw natin pamumuhay sa mundong ibabaw. Para sa ‘kin, lahat ng mga nabanggit ko ay posibleng masaid at maaaring makapagpaiba sa ating galaw at diskarte sa buhay. Kadalasan, di lang sa ating sarili ang epekto. Kaakibat ng mga nauubos na bagay-bagay ang s’yang sumisira rin sa pakikitungo natin sa ibang tao, mas lalo pa kung sila ang mga taong may malaking kaugnayan sa buhay mo. Tulad ng pasensiya at pag-unawa sa mga pagkakamali, sa umpisa’y kaya pang palagpasin pero sa katagalan, mawawala na lang s’ya ng kusa dahil di natin kayang punuin muli ang nabawas. Tulad din ng pagmamahal, na dating ubod ng usbong sa tuwa at pag-aalaga ay minsang madagok ng mga pagsubok sa buhay ay maari ding manghina at malugmok ng walang garantiyang uusbong muli. Nakakatakot isipin, pero sa buhay natin nangyayari ‘yan. Ang tanong lang, kakayanin ba natin muling punuan ang bangang nasa napipintong pagkaubos at pagkatuyo? Dapat kayanin kahit ga’no kahirap pa ‘yan. Dahil sa nauubos na bagay o pangyayari ay walang kasiguruhan kung ito’y manunumbalik sa dating sigla at saya nito. ‘Pag ito ang nangyari, isang himala na lang ang maaari mong sanggalang para maibalik ang dati. Hirap no? Oo talagang mahirap… pero dapat kayanin ang lahat ng paraan para maibalik ang dati.
Napupuno… Nauubos… magkaiba man ang pagkahulugan pero magka-ugnay ang sinasalamin sa buhay-buhay. Andito ako ngayon. Minumuni-muni ang mga ‘yan… sana may pagkakataong pang maipuno ang nauubos na magandang simulain sa darating na mga araw. Dahil sa minsang tayo ay nagkamali, habang buhay ang ilalaan natin upang maitama at maibalik ang matiwasay at masaganang buhay na inaasam lagi para sarili at sa mga taong mahalaga sa s’yo.
Kung nais n’yo akong samahan, sige lang. Igagalak ko ang inyong pakikisama.
Bakit ganon?
Isang tanong na laging nabibigkas kapag tayo’y nailalagay sa isang matinding sitwasyon na di natin alam ang kung bakit iyon ang kinalabasan o kinahinatnan. Marahil, marami sa atin ay naipit na, nadamay, naapektuhan o nagsisisi sa isang pangyayari o karanasan na, sa kaguluhan ng ating isip, ay ang naisasabi na lang ay “bakit ganon?”
Nung ikaw ay nagsusumikap na mag-aral, nagsusunog-kilay, nagsasaliksik at nakikilahok sa mga recitation sa klase, at sa dulo ng semestre ay ang nakukuha mong marka ay di man lang sa inaasahan mong grado, di ba ang masasabi mo na lang ay “bakit ganon?”
Nung nag-aaplay ka ng trabaho, pinagbutihan mo ang pananalita sa una, pangalawa at huling interbyu, nagpasiklab sa mga possibleng maging bossing mo, at minsan pa’y mababalitaan mong ikaw na ang napupusuang makuha sa posisyong nakalatag sa harap mo, tapos di ka matatawagan at malalaman mong may nakakuha na ng pwesto mula sa kras mong receptionist, di ba nanggagalaite kang magsabi ng “bakit ganon?!?”
Nung naggagawa ka ng isang proyekto para sa kliyente mo, nakumpleto mo lahat ng materials at mga larawan na kailangan , naisumite sa mga “kinauukulan,” nirebiso, sinumite ulit hanggang sa ma-aprubahan ng lahat ng mga dapat makakita, nabigay ang FA (final artwork) sa kanila ng maaga, tapos makaraan ng ilang araw na pagrerelak ay malalaman mo sa isang tangang miyembro ng grupo na biglang meron pa palang konting babaguhin sa ginawa mo, di ba nakakainis at wala kang magawa. Kaya tatawa ka na lang ng medyo naiinis at sasabihin mo na lang na “Ngek! Bakit ganon? Labo ah!”
Nung minsan kang nagmagandang loob sa isang kamag-anak o kakilala, tumulong ng matiwasay at inakalang maayos ang lahat, tapos mababalitaan mong pagwala na sa iyong harapan ay may tinatagong galit o inis pala sa inasal mo sa kanila, susmaryosep, talaga namang, bakit ganon?
Nung sumubok kang magluto para sa iyong mga kaibigan, kapamilya o ka-irog, naghanda ka ng husto para maimpress sila, sumunod sa bawat hakbang ng gusto mong putaheng lutuin at nakita mong pagkatakam-takam sa paningin at amoy, tapos pagdating sa hainan ay nanibago ang panlasa ng lahat… nakow! d’yahe naman! tapos lalakad patago ulit sa kusina at iisipin “Bakit ganon?!? Tama naman yung nasundan kong procedure sa pagluto nun ah?!?”
Sa mga lalaki…
Nung mamulat ka sa mundo ng pag-ibig, makatipo ng isang babaeng nakikitaan mong maging potensyal na makasama panghabang-buhay, sinuyo-suyo ng sobra sobra, at ramdam mong malaki ang posibilidad na maging kayo sa huli, binigyan ng mga rosas, buwan at kung anu-ano pang pwedeng masungkit para lang makuha ang matamis n’yang “OO,” hatid-sundo kahit bumagyo, minsan pa’y nayayaya sa mga gimik kasama ang ibang mga kaibigan, tapos ‘pag malapit na ang hinihintay mong pagkakataon na kung pwede maging kayo ay biglang mong malalaman na di pa s’ya handang makipagrelasyon, o may asawa na pala s’ya, o di kaya’y di ka lang n’ya tipo at iba ang tinitibok n’ya, o sobrang basted ka lang talaga kasi kulang pa rin eports mo… hay susme!!! naman!!! Bakit ganon?!?
Sa mga babae…
Nung may ma-sight kang gusto mo na talaga namang makalaglag P (bahala na kayo manghula) at pinapangarap mo na s’ya na lang ang para s’yo, kayang magbigay ng ligaya s’yo sa lahat ng pagkakataon, magalang, misteryoso, malinis at swak na swak na ideal man para mapakilala sa iyong mga magulang, tapos malalaman mong magpapari pala s’ya o kabaro n’ya ang mas kanyang inaasam… hay saklap! Bakit naman ganon?!? (mas masaklap kung mas pogi pa sa kanya ang tipo n’ya)
Nung minsan ay maiisip mo na sana mamimiss ka rin ng isang taong inaasahan mong maalala ka n’ya ay s’ya pang di nagpaparamdam s’yo na miss ka n’ya, tapos makikitaan mo ng ibang kagalakan kapag kapiling o kausap ang ibang mga tao, di ba nakakatampo isipin at maramdaman na may mali ba sa sarili mo na ang tanong e “bakit ganon? di ba ako mahalaga rin sa kanya?” (baka siguro kailangan muna mawala ka para ma-realize siguro, di ko rin alam)
Nung madalas na gusto mong manahimik, huwag na lang umalma, o di kaya’y maging matiisin nalang sa mga bagay-bagay na sa tingin mong mali at di dapat gawin, ay s’ya pang pinagmumulan ng kaguluhan, o inis, o pagsisisi, at di pagtitiwala lalo sa yong kakayahan dahil wala kang ginagawa… e ano pa ba naman ang magagawa mo di ba? kaya lang… BAKIT GANON?!? Di ko naman kayo inaano ah!!!
Haayyy… di ko na alam kung bakit talaga ganon ang buhay. Madaya at minsan, walang pakisama. Kakainis lang pero kailangan mo pa rin sabayan. Kaya minsan dapat ride ka na lang.
Kaw, sa tingin mo, bakit ganon?!? Ah ewan! Basta ganon!
Hmph!!!